Tulad ng reaksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pinalulutang noon na umano’y nais niya ng isang no election scenario sa 2028, tinawanan at ipinagkibit-balikat lamang ng pangulo ang sinabi ng ilang resource person sa pagdinig ng Senado na umano’y nag-deliver sila ng maleta ng pera sa bahay ng pangulo sa Paoay.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, nginitian lamang ng pangulo ang usaping ito, dahil alam naman ng lahat na walang katotohanan ang pinalulutang na impormasyong ito.
“Nakita po ba ninyo kung paano siya nag-react patungkol sa no-el. Ganoon din po ang matatanggap ninyong reaksyon sa Pangulo, dahil alam niyan, alam na nating lahat, hindi po iyan totoo.” -Castro.
Kapansin – pansin rin aniya kung paano idinaos ang pagdinig sa Senado, na tila mayroong nagaganap na coaching sa mga witness, na ipinagbabawal sa korte.
“Pansinin po ninyo kung papaano nagkaroon ng paghe-hearing, mukhang mayroon pa pong nagko-coach, kumbaga sa korte, bawal po iyan, coaching the witness. So, lahat pong iyan ay walang katotohanan at marami pong nailagay na pangalan na nagsasabing hindi sila involved at hindi ito nakikita at walang ebidensyang naipapakita. ” -Castro.
Kung matatandaan, una nang sinabi ng Palasyo na dapat ilabas ng mga ito ang kanilang ebidensya, kasabay ng kanilang paga-akusa, lalo’t nakapadali lamang aniyang mag-bintang, lalo na kung ang layunin ng nagbibintang ay manira o mang-giba ng iba. | ulat ni Racquel Bayan