Nakikipag-ugnayan na ang Department of Education (DepEd) sa regional at division offices sa mga paaralan na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na naitala malapit sa Sarangani at mga karatig probinsya, ngayong umaga.
Batay sa paunang ulat na natanggap ng DepEd Central Office, isang gusali sa Matanao National High School sa Davao del Sur ang gumuho, kasunod ng lindol.
Dahil sa epekto ng lindol at mga kasunod na aftershocks, suspendido ang mga klase sa lahat ng antas sa mga apektadong lugar sa Mindanao, sa utos na rin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang DepEd sa mga lokal na pamahalaan upang maberipika ang sitwasyon sa bawat paaralan at matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at personnel.
Isinasagawa na rin ang rapid assessment ng mga paaralan, partikular sa mga lugar na nakaranas ng malalakas na pagyanig.
Ito’y upang matukoy ang ano mang pinsala sa mga gusali at iba pang pasilidad. Mahigpit na ipinatutupad ang inspeksyon at safety assessment bago pahintulutang gamitin muli ang ano mang pasilidad ng paaralan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, pangunahing prayoridad ng kagawaran ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral, guro, at kawani.
Magpapatuloy ang pagbibigay ng mga update habang dumarating ang mga beripikadong ulat mula sa mga apektadong rehiyon.