Bilang suporta sa direktiba ng pamahalaan na matiyak ang ligtas at maayos na kapaligiran sa mga paaralan, nagsagawa ng information and awareness campaign ang mga tauhan ng Police Regional Office 5 (PRO5) hinggil sa anti-bullying, pag-iwas sa pagnanakaw, karahasan, at iba pang usaping may kaugnayan sa kaligtasan sa Daraga National High School sa Daraga, Albay ngayong araw, Hunyo 8, 2026.
Sa isinagawang lecture, binigyang-diin ng mga pulis ang kahalagahan ng paggalang sa kapwa, responsableng pag-uugali, at pakikipagtulungan upang maiwasan ang anumang uri ng bullying at karahasan sa loob at labas ng paaralan.
Nagbahagi rin ang mga awtoridad ng mga safety tip para sa mga mag-aaral, kabilang ang pagiging mapagmatyag sa kanilang paligid, pag-iingat sa mga personal na gamit, at agarang pag-uulat sa mga guro, magulang, o pulisya sakaling makaranas o makasaksi ng insidente ng pang-aabuso o krimen.
Ayon kay PRO5 spokesperson Police Lieutenant Colonel Malu Calubaquib, bahagi ang aktibidad ng patuloy na pagpapatupad ng Oplan Balik-Eskwela 2026 na naglalayong mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga paaralan sa buong rehiyon habang nagsisimula ang bagong taong panuruan.
Kaugnay nito, mahigit 7,000 security personnel ang nakakalat sa 4,166 pampubliko at pribadong paaralan sa Bicol Region upang magbigay ng asistensya at matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at mga kawani ng paaralan.
Kabilang dito ang 2,389 pulis, 667 personnel mula sa mga partner agency gaya ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Philippine Coast Guard (PCG), at 4,067 force multipliers mula sa mga lokal na pamahalaan at komunidad. | via Garry Carl Carillo | RP Albay

