Naka-heightened alert na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) partikular ang DSWD Field Office 12 kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa bahagi ng Sarangani, kaninang alas-7:37 ng umaga.
Ayon sa DSWD, nakahanda na ang Quick Response Team at nakikipag-ugnayan na sa mga lokal na pamahalaan, Provincial DRRMOs, at iba pang ahensya para masuri ang epekto ng lindol sa SOCCSKSARGEN Region.
Inihahanda na rin ang mga kinakailangang response assets, kabilang ang posibleng deployment ng Mobile Command Center at Mobile Kitchen.
Tiniyak naman ni DSWD Field Office 12 Regional Director Loreto Cabaya Jr., na handa ang kanilang tanggapan na magbigay ng agarang tulong at augmentation support sa mga maaapektuhang lokal na pamahalaan.
Pinapayuhan naman ang publiko na manatiling kalmado ngunit alerto sa posibleng mga aftershock, at pinag-iingat din ang mga residente sa mga baybaying lugar sa posibleng banta ng tsunami.