Patuloy ang pagtutok ng mga awtoridad sa paghahanap sa apat kataong iniulat na nawawala matapos ang pagguho ng lupa sa Sitio Buhangin, Barangay Patuco, Sarangani, Davao Occidental kasunod ng Magnitude 7.8 na lindol na tumama sa karagatang sakop ng Sarangani kahapon, June 8.
Ayon sa Coast Guard District Southeastern Mindanao (CGDSEM), pinaniniwalaang natabunan ng lupa ang apat na nawawalang indibidwal.
Agad naman na nagsagawa ng search and retrieval operations ang mga tauhan ng Coast Guard Sub-Station Patuco katuwang ang mga residente ng lugar upang mahanap ang mga ito.
Gayunman, pansamantalang itinigil ang operasyon dahil sa patuloy na nararanasang aftershocks at sa hindi matatag na kondisyon ng lupa na nagdudulot ng panganib sa mga responder at volunteers.
Kasama ng Coast Guard ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Sarangani para sa karagdagang tauhan, kagamitan at teknikal na suporta sa pagpapatuloy ng operasyon.
Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang sitwasyon habang inihahanda ang ligtas na pagpapatuloy ng search and rescue operations para sa apat na nawawala. | ulat ni Sheila Lisondra-Celocia | Radyo Pilipinas Davao
📷 Coast Guard District Southeastern Mindanao


