Courtesy of Department of Agriculture Regional Field Office VIII
Mahigit 12,500 magsasaka at mangingisda mula sa 11 local government units (LGUs) sa Eastern Visayas ang nakatanggap ng cash assistance sa ilalim ng Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolk, and Families (PAFFP) na ipinatupad ng Department of Agriculture Regional Field Office VIII (DA-RFO 8).
Umabot sa kabuuang ₱29 milyon ang naipamahaging ayuda sa mga benepisyaryo mula sa mga bayan ng Naval, Biliran, Almeria, at Kawayan sa Biliran Province, gayundin sa Dulag, Mayorga, Pastrana, San Miguel, Tolosa, Hilongos, Bato, at Matalom sa Leyte.

Isinagawa ang pamamahagi sa loob lamang ng isang linggo bilang bahagi ng agarang pagtugon ng ahensya upang matulungan ang mga magsasaka at mangingisdang nahaharap sa iba’t ibang hamon sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.
Ayon sa DA-RFO 8, naging mabilis at maayos ang distribusyon dahil sa sabayang deployment ng mga verification at disbursing teams sa iba’t ibang bayan. Mahigpit ding ipinatupad ang proseso ng beripikasyon upang matiyak ang tamang pamamahagi ng ayuda.
Nakipag-ugnayan din ang ahensya sa mga lokal na pamahalaan at partner agencies upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng programa at wastong pagpapatunay sa mga benepisyaryo.
Binigyang-diin ng DA-RFO 8 na patuloy nitong paiigtingin ang pagpapatupad ng PAFFP upang maihatid ang tulong ng pamahalaan sa mas maraming magsasaka at mangingisda sa rehiyon. | ulat ni Penelope Pomida | RP Borongan