Umabot sa ₱406.365 bilyon ang nakolekta ng Bureau of Customs (BOC) mula Enero hanggang Mayo 2026, na mas mataas ng ₱9.315 bilyon sa itinakdang target ng ahensya.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, nalampasan ng BOC ng 2.3% ang target na ₱397.050 bilyon sa unang limang buwan ng taon.
Mas mataas din ito ng ₱24.629 bilyon o 6.5% kumpara sa nakolekta sa kaparehong panahon noong 2025.
Iniugnay ng BOC ang positibong resulta sa mas pinaigting na valuation system at revenue collection measures na nakatulong upang mapunan ang epekto ng mababang import volume.
Noong Mayo lamang, nakapagtala ang ahensya ng ₱80.664 bilyong koleksyon, bahagyang mababa sa target dahil sa pagbaba ng volume ng inaangkat na produktong petrolyo at iba pang kalakal, gayundin sa pagpapatupad ng Executive Order No. 114 na pansamantalang nagsuspinde ng Excise Tax sa ilang produktong petrolyo.
Sa kabila nito, mas mataas pa rin ang koleksyon noong Mayo ng ₱5.007 bilyon o 6.62% kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon. | ulat ni Lorenz Tanjoco