Courtesy of Rep. Benny Abante/FB
Ipinagtanggol ni House Committee on Human Rights at Manila Representative Bienvenido “Benny” Abante Jr. ang panukalang confidential and intelligence funds (CIF) ng Office of the President para sa 2027 national budget.
Binigyang diin ni Abante, na may lehitimong pangangailangan dito si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang Commander in Chief ng bansa.
Dagdag ni Abante, na bukod sa pagiging pinuno ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nahaharap din ang Pangulo sa iba’t ibang banta sa seguridad.
Inihain ng Office of the President (OP) ang panukalang ₱4.55 bilyong CIF para sa 2027—pareho sa pondo nito noong 2026—na binubuo ng ₱2.25 bilyong confidential funds at ₱2.3 bilyong intelligence funds.
Inihalimbawa rin ng mambabatas ang mga banta sa seguridad ng Pangulo tulad ng nakapaloob sa Article IV ng impeachment case laban kay Bise Presidente Sara Duterte kaugnay ng mga pahayag nito noong Nobyembre 2024.
Gayunpaman, binigyang-diin nina Abante at Deputy Speaker Paolo Ortega V, na dapat pa ring busisiin ng Kongreso ang pondo upang matiyak na tama ang paggamit, transparent ang proseso, at sumusunod sa mga patakaran ng liquidation at auditing.