Hinimok ni Gremil Alexis A. Naz, Chief ng Capacity Building and Training Section at Public Information Officer ng Office of Civil Defense (OCD) Region 5, ang mga lokal na pamahalaan sa Bicol na repasuhin at i-update ang kanilang mga contingency plan at disaster response protocols kasunod ng opisyal na pagdeklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa pagsisimula ng Habagat Season sa bansa.
Ayon kay Naz, mahalagang matiyak ng mga lokal na pamahalaan partikular na ang mga nasa high-risk areas, na napapanahon at epektibo ang kanilang mga plano sa pagtugon sa mga kalamidad tulad ng malalakas na pag-ulan, pagbaha, pagguho ng lupa, at iba pang hazard na maaaring idulot ng habagat at mga paparating na bagyo. Diin niya, kinakailangan din aniya na nakahanda na ang mga contingency plan bago pa man pumasok ang ber-months.
Bahagi ng nasabing paghahanda ang pagsasagawa ng risk assessment, pagtiyak sa kahandaan ng mga evacuation center, at pagpapatibay ng koordinasyon sa iba’t ibang ahensya upang maprotektahan ang buhay at kabuhayan ng mga mamamayan sa panahon ng kalamidad, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP Albay
📸 OCD Bicol



