Rep. Karl Legazpi
Maghahain ng resolusyon si Pinoy Workers Party-list Rep. Karl Legazpi upang himukin ang House Committee on Youth and Sports Development na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay ng pagkamatay ng dalawang Ateneo student-athletes sa isang team-building activity sa Aurora.
Bilang Vice Chairperson ng komite, nais ni Legazpi na suriin kung sapat ba ang umiiral na mga panuntunan, safety protocols, at accountability mechanisms sa mga athletic program at aktibidad na isinasagawa ng mga paaralan.
Ayon sa mambabatas, mahalagang matukoy kung may mga kakulangan sa kasalukuyang sistema upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya sa hinaharap.
Kasabay nito, nagpaabot si Legazpi ng pakikiramay sa pamilya, mga kaibigan, at buong komunidad ng Ateneo sa pagpanaw nina Divine Adili at Rene Clert Baterbonia.
Aniya, malaking kawalan ang maagang pagyao ng dalawang atleta hindi lamang para sa kanilang mga pamilya at paaralan kundi maging sa sports.
Samantala, nagpahayag din ng pakikiramay si Cong. Franz Pumaren sa pamilya, mga kaibigan, at komunidad ng Ateneo.
Ayon kay Pumaren, isang malaking pagkawala ang pagpanaw ng dalawang kabataang atleta na nagsilbing huwaran ng sipag, disiplina, at kahusayan.
Bilang dating student-athlete at UAAP coach, tiniyak ni Pumaren na handang magbigay ng kinakailangang tulong ang kanyang tanggapan sa mga naapektuhan ng trahedya. | ulat ni Melany Reyes