Mas abot-kamay na ngayon para sa mga Pilipino ang pag-aaral ng mga makabagong teknolohiya, lalo na ang Artificial Intelligence (AI), matapos ilunsad ng TESDA, katuwang ang STI College, ang AI Readiness Training Program.
Inaasahang sa programa magkakaroon ng mga specialized courses sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program ng TESDA, kabilang ang Data Collection and Annotation (Data Science/Artificial Intelligence) Level II, AI Prompting for Automation Level III, at Data Analytics Level III, na idinisenyo upang ihanda ang mga mag-aaral para sa mga digital at AI-driven economy.
Ang mga programang ito ay makukuha sa karamihan ng mga kampus ng STI sa Aklan, Bacolod, Bataan, Benguet, Bulacan, Camarines Norte, Cebu, General Santos City, Isabela, Manila, Ilocos Norte, La Union, Laguna, Leyte, Las Piñas, Pampanga, Quirino, South Cotabato, Sultan Kudarat, at Tarlac. Ikinatuwa naman ni Presidential Communications Office Undersecretary Mon Ilagan ang pagpapalawak ng mga programa ng TESDA, na aniya ay may malaking maiaambag sa mga programang pangkabuhayan ng mga mamamayan at sa pag-usad ng ekonomiya ng bansa.