Ipinagmalaki ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga bagong hakbang nito sa digital modernization na naglalayong mapalawak ang access ng mas maraming Pilipino sa mga programang pangkasanayan at pagsasanay.
Sa isang media tour nitong Martes, ipinakita ni TESDA Secretary at Director General na si Jose Francisco Benitez sa mga mamamahayag ang ilan sa mga pasilidad ng ahensya at ibinahagi ang patuloy na modernisasyon at digital transformation ng TESDA.
Ayon kay Benitez, mahalaga ang paggamit ng teknolohiya upang maging mas madali at mabilis ang pagkuha ng mga oportunidad sa pag-aaral at pagsasanay.
“Access is the first step to opportunity. By strengthening our digital systems like the eKYC-enabled TESDA Skills Passport and expanding e-TESDA offerings, we are removing barriers so Filipinos can immediately access training, and reskill and upskill anytime, anywhere,” ani Benitez.
Kabilang sa mga pangunahing inisyatibo ng ahensya ang TESDA Skills Passport mobile application na inilunsad noong Pebrero 2026 at maaaring i-download sa mga Android at iOS device.
Nagtataglay ang app ng electronic know-your-customer (eKYC) feature na nagpapadali sa pagpaparehistro ng mga mag-aaral habang pinatitibay ang beripikasyon ng kanilang pagkakakilanlan. Maaaring gamitin ng mga aplikante ang kanilang National ID number o QR code, pati na rin ang iba pang government-issued IDs tulad ng passport, driver’s license, Social Security System ID, Government Service Insurance System e-Card, Unified Multi-Purpose ID, Postal ID, Voter’s ID at PhilHealth ID.
Ayon naman kay Floramel Joy Songsong, nagsisilbing secure digital portfolio ang app kung saan maaaring itago ng mga gumagamit ang kanilang mga beripikadong sertipikasyon at makahanap ng mga training center batay sa kanilang lokasyon.
Mayroon din itong mga tampok para sa job matching, online learning at scholarship applications na pinoprotektahan ng PhilSys identity validation system.
Patuloy din umano ang pagpapalawak at pag-upgrade ng TESDA sa TESDA Online Program (TOP), na nagbibigay ng libreng online learning opportunities sa publiko.
Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng TESDA sa UNEVOC Network at sa HP Foundation sa ilalim ng UNESCO Global Skills Academy, naging available na rin sa TOP ang mga piling kurso ng HP LIFE Program nang walang bayad.
Layunin ng mga kursong ito na mabigyan ang mga mag-aaral ng kaalaman sa information and communication technology, entrepreneurship at artificial intelligence (AI) upang mapalawak ang kanilang oportunidad sa trabaho at kabuhayan.
Naglunsad din ang TESDA ng mga bagong qualification at online learning modules kabilang ang Early Childhood Care and Development Services NC III at Bookkeeping for Sangguniang Kabataan Financial Transactions NC II upang higit pang mapaunlad ang kakayahan sa early childhood education management at lokal na pamamahalang pinansyal.
Samantala, binigyang-diin din ng TESDA ang pakikipagtulungan nito sa STI College para sa Artificial Intelligence Readiness Training Program na inilunsad noong Mayo.
Saklaw ng programa ang mga kursong Data Collection and Annotation (Data Science/Artificial Intelligence) Level II, AI Prompting for Automation Level III, at Data Analytics Level III na nakatuon sa paghahanda ng mga kalahok para sa mga trabaho sa digital at AI-driven economy.
Ayon kay Songsong, inaasahang aabot sa 3,273 mag-aaral sa buong bansa ang makikinabang sa AI training program hanggang Disyembre 2026.
Sa pamamagitan ng mga bagong digital platform at online training program, umaasa ang TESDA na mas marami pang Pilipino ang magkakaroon ng pagkakataong makapag-aral, makapag-upskill at makapaghanda para sa mga trabaho ng hinaharap.