Naglabas ng advisory si Senate President Pro Tempore at Acting Senate President Sherwin Gatchalian na nag-uutos ng pagpapatupad ng work-from-home arrangement sa lahat ng opisina ng Senado mula June 10 hanggang June 11.
Ito ay kasunod ng natanggap na impormasyon mula kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na may banta sa seguridad ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Sa advisory ni Gatchalian, pinaliwanag na ang dalawang araw na work-from-home setup ay para bigyang daan ang kinakailangang security assessment, inspections at iba pang precautionary measures sa loob at paligid ng Senado.
Hapon din ng Miyerkules ay nag-ikot at nag-inspeksyon si bagong Senate Sergeant-at-Arms retired Police Major General Alfred Corpus sa paligid ng Senate building.
Ayon kay Corpus, kasalukuyang nasa heightened security status ang Senado.
Ibig sabihin aniya nito ay dadagdagan ang deployment ng security personnel at maghihigpit sa seguridad sa Senado.
Sa ngayon ay bineperipika pa aniya nila ang security threat na ibinahagi ng NBI pero habang bineberipika ito ay mainam na aniyang paghandaan at tugunan ito ng pamunuan ng Senado.