Tinutukan ng Office of Civil Defense (OCD) ang search and rescue at retrieval operations sa mga lugar na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Saranggani.
Sa panayam ng media kay OCD Deputy Administrator for Administration Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, sinabi nito na nagpapatuloy ang search and rescue operation sa lugar kung saan nasa mahigit 2,700 na mga search and rescue team ang idineploy sa Region 11 at Region 12 at nasa mahigit 1,400 na mga available na tauhan na handang ipadala kung kinakailangan.
Ito ay mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, at Bureau of Fire Protection.
Ayon kay Alejandro, ilang land, air, at sea assets din ang ipinadala para tumulong sa search and rescue. Gaya na lamang ng helicopters at C-130 aircraft.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang assessment sa lugar kung saan nasa halos 33,000 pamilya o mahigit 145,000 indibidwal ang apektado sa 163 mga barangay sa Region 9, 11, 12 at BARMM.
Nasa mahigit 8,700 na pamilya o 32,000 indibidwal naman ang kasalukuyang nasa evacuation centers.
Samantala, umabot na sa 1,023 ang mga nasirang pasilidad at pinakamarami sa Region 12, habang nasa 192 na mga paaralan ang napinsala sa Region 11. Aabot naman aniya ng tatlo hanggang apat na araw bago makabalik sa normal ang pagpasok sa mga nasabing lugar.