Pinabulaanan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang mga ulat na umano’y nakatanggap ng espesyal na pagtrato ang contractor na si Curlee Discaya matapos itong arestuhin kaugnay ng mga kasong may kaugnayan sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Sinabi ni Remulla, walang katotohanan ang mga alegasyong pinoprotektahan si Discaya dahil sa umano’y koneksiyon nito sa mga makapangyarihang personalidad sa politika.
Gayunpaman, nilinaw ng kalihim na tulad ng ibang detainees, ilalagay si Discaya sa regular na detention facility.
Ipinaliwanag din ni Remulla, na nasa hukuman ang kapangyarihang magpasya kung saan ilalagak ang isang akusado habang dinidinig ang kaso nito.
Samantala, sinabi rin ng DILG chief, na nagpapatuloy ang imbestigasyon sa umano’y flood control scam at inaasahan pa ang pagkakaaresto ng iba pang sangkot sa operasyon.