Matagumpay nang naibalik ng South Cotabato Electric Cooperative I (SOCOTECO I) ang normal na suplay ng kuryente sa mga nasasakupan nito matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao.
Gayunman, nakararanas pa rin ng bahagyang power interruption ang Davao del Sur Electric Cooperative (DASURECO) at South Cotabato Electric Cooperative II (SOCOTECO II).
Ayon sa National Electrification Administration (NEA), nagpapatuloy ang repair at restoration activities sa mga lugar na sakop ng dalawang electric cooperative upang maibalik ang natitirang apektadong linya ng kuryente.
Batay sa ulat ng NEA Disaster Risk Reduction and Management Department, naibalik na ang serbisyo ng kuryente sa 34 sa 35 apektadong munisipalidad, katumbas ng 97.14 % energization rate.
Sa kabila nito, mahigit 157,000 consumer connections ang nananatiling walang kuryente sa mga lugar na naapektuhan ng lindol.
Patuloy namang mino-monitor ng NEA ang sitwasyon ng tatlong electric cooperative sa apat na lalawigan, at tiniyak ang tuloy-tuloy na koordinasyon upang mapabilis ang ganap na pagpapanumbalik ng serbisyo sa mga natitirang apektadong komunidad.