Patuloy ang ginagawang assessment ng pamahalaan ng South Cotabato matapos ang malakas na lindol na yumanig sa rehiyon. Ayon kay South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr., agad na nagtalaga ng rapid assessment team upang suriin ang kalagayan ng mga prayoridad na istruktura at pasilidad sa lalawigan.
Ayon kay Tamayo, umabot sa 57 imprastraktura ang naitalang naapektuhan ng lindol. Gayunman, sinabi niyang karamihan sa mga ito ay nakabalik na sa normal na operasyon.
Pinawi rin niya ang pangamba ng publiko matapos kumpirmahin na nakabalik na sa kani-kanilang mga ward ang mga pasyente sa mga ospital sa lalawigan at walang naitalang pasyenteng kinailangang ilikas dahil sa pinsala sa mga istruktura.
Habang nagpapatuloy ang mga clearing operation at inspeksyon, nanawagan ang gobernador sa lahat ng lokal na opisyal na ipagpatuloy ang koordinasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan matapos ang naturang lindol. | ulat ni Russell Cuña | RP Davao Intern
📷 Gov. Tamayo