Nasakote ng mga awtoridad ang itinuturing na No. 1 Most Wanted Person sa Bicol at mataas na opisyal ng Communist Terrorist Group (CTG) sa isinagawang manhunt operation sa bayan ng San Fernando, Masbate.
Pinangunahan ng Police Regional Office 5 (PRO 5), katuwang ang iba’t ibang yunit ng pulisya at militar, ang intelligence-driven operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek na kinilala sa alyas na “Eli,” na umano’y nagsisilbing Secretary ng Sub-Regional Committee 4 ng Bicol Regional Party Committee sa ilalim ng Kilusang Larangang Gerilya 83 North.
Bago ang operasyon, nagsagawa ang mga operatiba ng masusing surveillance, validation ng intelligence reports, at discreet monitoring upang matukoy ang eksaktong lokasyon at galaw ng target. Sa pamamagitan ng koordinasyon ng San Fernando Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit at Provincial Mobile Force Company ng Masbate PPO, Regional Intelligence Division Tracker Team, 502nd Regional Mobile Force Battalion 5, Charlie Company ng 96th Infantry Battalion, at 96th Military Intelligence Company ng Philippine Army, matagumpay na naisagawa ang operasyon.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng hukuman noong Abril 22, 2026 para sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa. Matapos ang pag-aresto, agad siyang dinala sa San Fernando Municipal Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Ayon kay PRO 5 Regional Director PBGEN Erosito N. Miranda, patunay ang pagkakaaresto sa pagiging epektibo ng pinaigting na intelligence operations at matibay na koordinasyon ng mga law enforcement at security forces sa rehiyon. Aniya, ipinakikita ng matagumpay na operasyon ang propesyonalismo, dedikasyon, at kakayahan ng mga operatiba sa pagpapatupad ng batas at paghahatid ng hustisya.
Patuloy namang tiniyak ng PRO 5 ang kanilang pangako na habulin ang mga indibidwal na may kinahaharap na kaso at suportahan ang mga programa ng pamahalaan para sa pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon. | ulat ni Garry Carillo | RP Albay
📷 PNP Bicol