Sa panahon ng balik-eskwela at patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, malaking ginhawa para sa mga miyembro at pensioner ng Government Service Insurance System (GSIS) ang Balik-Ginhawa Program o Loan Moratorium to Refund.
Ayon kay GSIS Legazpi Branch Manager Atty. Eugene Virgo, layunin ng programa na mabigyan ng karagdagang pondo ang mga kwalipikadong miyembro at pensioner sa pamamagitan ng pagre-refund ng kanilang tatlong buwang loan amortizations.
Sa ilalim ng programa, maaaring maibalik sa mga miyembro at old-age pensioners ang katumbas ng tatlong buwang loan amortizations mula
December 2025 hanggang February 2026. Ang naturang halaga ay maaari nilang gamitin para sa pang-araw-araw na gastusin, kabilang ang mga pangangailangan sa pagbubukas ng klase.
Ipinaliwanag ni Virgo na ang aplikasyon para sa refund ay maaari lamang gawin sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile application. Wala nang manual na proseso dahil awtomatikong malalaman ng sistema kung kwalipikado o hindi ang isang aplikante.
Kabilang sa mga kwalipikasyon ang pagkakaroon ng maayos na rekord sa pagbabayad ng loan, hindi dapat due and demandable ang account at wala ring arrears o pagkakautang na hindi nababayaran.
Dagdag pa ni Virgo, isa sa mga pinakamagandang benepisyo ng programa ay wala itong karagdagang interes o penalty. Sa halip, ie-extend lamang ang loan term upang mabawi ang tatlong buwang amortizations na na-refund sa miyembro o pensioner.
Maaari pang samantalahin ng mga kwalipikadong miyembro at pensioner ang programa hanggang October 31, 2026.