Patuloy ang paghahatid ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga komunidad na naapektuhan ng Magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Batay sa tala ng ahensya, umabot na sa 11,488 Family Food Packs ang naipamahagi nito sa Zamboanga Peninsula, Davao Region, at SOCCSKSARGEN.
Bukod pa rito ang 714 Non-Food Items, at 4,086 Ready-to-Eat Food Packs na naihatid sa mga apektadong pamilya.
Ayon sa DSWD, mabilis na naipadala ang mga relief supplies bilang tugon sa augmentation requests ng mga lokal na pamahalaan para matiyak ang tuloy-tuloy na tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng sakuna.
Kaugnay nito, agad ding itinayo ng DSWD ang mga Mobile Storage Unit (MSU) na ipinadala mula sa Mindanao Disaster Resource Center para higit pang mapabilis ang paghahatid ng tulong sa mga komunidad na tinamaan ng lindol.
Sa pamamagitan ng mga MSU, magiging mas maayos at organisado ang pag-iimbak at distribusyon ng mga relief supplies ng DSWD, na magbibigay-daan sa mas mabilis na pag-abot ng ayuda sa mga nangangailangang pamilya. | ulat ni Merry Ann Bastasa