Umiiral na ang El Niño conditions sa tropical Pacific, ayon yan sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa weather bureau, naabot na ang threshold ng relative sea surface temperature anomaly (RSSTA) na isa sa mga pangunahing batayan sa pagdeklara ng El Niño conditions.
Sinabi rin ng PAGASA na may mahigit 80% posibilidad na tuluyan itong maging ganap na El Niño phenomenon at maaaring magpatuloy hanggang sa unang bahagi ng taong 2027.
Karaniwang nagdudulot ang El Niño ng mas mababang pag-ulan, dry spell, at tagtuyot sa ilang bahagi ng bansa, na maaaring makaapekto sa suplay ng tubig, agrikultura, at iba pang sektor.
Gayunman, nilinaw ng PAGASA na posible pa ring makaranas ng mas mataas sa normal na pag-ulan ang mga lugar sa kanlurang bahagi ng bansa dahil sa epekto ng Habagat o Southwest Monsoon.