Walang naitalang pinsala sa mga paaralan sa lalawigan ng Sulu matapos ang naramdamang lindol noong Lunes, kasabay ng unang araw ng pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral para sa School Year 2026–2027. Ito ay ayon kay Schools Division Superintendent (SDS) Kiram Irilis Al-Haj ng Department of Education (DepEd) – Schools Division Office (SDO) Sulu.
Ayon kay SDS Kiram Irilis Al-Haj, wala silang natanggap na ulat mula sa mga school heads at guro sa buong lalawigan hinggil sa anumang pinsalang dulot ng pagyanig.
Naramdaman din ng mga personnel ng DepEd SDO Sulu ang pagyanig, subalit wala namang naitalang pinsala sa kanilang gusali at nagpatuloy pa rin nang normal ang kanilang operasyon at pagtatrabaho. Sa kasalukuyan, nakadeploy na ang mga monitoring team ng DepEd Sulu, kabilang ang mga education supervisor, sa mga paaralan sa mainland at island municipalities ng lalawigan upang masuri ang kalagayan ng pag-aaral at matukoy ang mga isyu at pangangailangang dapat tugunan.
Pinaalalahanan din ang mga district supervisor na manatiling mapagmatyag at gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin, kabilang ang regular na pagmomonitor sa pagdalo at pagre-report ng mga guro sa kanilang mga paaralan.
Sa kabuuan, handa ang mga guro at kawani ng DepEd SDO Sulu na maghatid ng de-kalidad na serbisyo at edukasyon sa mga mag-aaral para sa School Year 2026–2027.


