Binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang nagaganap na distribution ng assistance sa Oval Plaza ng General Santos City ngayong tanghali, June 10, 2026.
Nakipag-usap din ito sa ibang mga benepisyaryo na karamihan ay apektado ng lindol na naganap noong Lunes.
Matapos ang pagbisita ng Pangulo, dumiretso ito agad sa Romana Acharon Central Elem. School para inspeksyonin ang nasirang gusali. Pagkatapos, tutuloy ito sa General Santos National High School na isa rin sa napinsala ng lindol.
Samantala, sinabi ni DSWD XII Regional Director Loreto Cabaya, Jr. na aabot sa 5000 AICS beneficiaries ang makatatanggap ng tig 5K pesos kung saan karamihan sa mga beneficiaries ay mga empleyado ng kumpanya na nahinto ang trabaho matapos maapektuhan ang gusali na kanilang tinatrabahuan.
Nasa 10,200 Family Food Packs o FFPs naman ang ipinamahagi sa mga benepisyaryo sa Oval Plaza ng General Santos City. Maliban diyan, 200 hygiene kits at 390 family kits din ang ipinamimigay.
Siniguro naman ni RD Cabaya na magpapatuloy ang tulong na ibibigay ng pamahalaan sa mga apektado ng lindol alinsunod sa kautusan ni Pangulong Marcos Jr.