Pinasinayaan ngayong araw, June 11, ang 5-megawatt generator set ng National Power Corporation (NAPOCOR) sa First Catanduanes Electric Cooperative, Inc. (FICELCO) bilang bahagi ng mga hakbang upang mapatatag ang suplay ng kuryente sa lalawigan ng Catanduanes.
Ayon kay Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang agarang aksyon matapos niyang iulat sa Pangulo ang nararanasang suliranin sa suplay ng kuryente sa lalawigan.
Sinabi ni Garin na hindi katanggap-tanggap para sa Pangulo ang matagal na oras ng pagkawala ng kuryente kaya’t inatasan siyang magpatupad ng agarang solusyon upang maibalik agad ang serbisyo.
Aniya, kahit gumastos pa ng milyon-milyong piso ang NAPOCOR, kailangang maibalik kaagad ang suplay ng kuryente sa isla habang isinasakatuparan ang mga pangmatagalang solusyon sa problema sa enerhiya.
Nakiisa rin sa ceremonial switch-on sina DOE Undersecretary Mario Marasigan, NAPOCOR President at CEO Jericho Jonas Nograles, at mga lokal na opisyal ng lalawigan.
Ayon sa DOE, mahalagang hakbang ang proyekto upang matugunan ang agarang pangangailangan sa enerhiya ng Catanduanes at mapahusay ang pagiging maaasahan ng serbisyo ng kuryente para sa mga Catandunganon. | ulat ni Rosie Nieva | RP Virac


