Nakikipag-ugnayan ang Office of the Civil Defense (OCD) 11 sa Department of Health (DOH) para sa deployment ng water filtration system para sa mga lugar sa Davao Region na lubhang tinamaan ng Magnitude 7.8 na lindol.
Inihayag ni OCD 11 Spokesperson Ezzra James Fernandez sa isinagawang Davao Peace and Security Press Corps Media Briefing sa The Royal Mandaya Hotel, nagpadala na sila ng request sa nabanggit na ahensya matapos manawagan ang mga apektadong komunidad dahil wala itong malinis na inuming tubig.
Inilahad nito na kinakailangan ngayon ang nasabing kagamitan para sa mga apektadong lugar residente ng mga bayan ng Sarangani at Jose Abad Santos sa Davao Occidental na lubhang niyanig ng lindol.
Ayon kay Fernandez na wala pang tugon ang DOH 11 sa ngayon ngunit umaasa ito na malagay na sa nasabing mga lugar upang magkaroon na ng inuming tubig ang mga apektadong komunidad.
Bukod dito, humihingi na rin ito ng tulong sa Davao City Water District (DCWD) para may maipadala na bottled water at water tankers sa mga apektadong lugar.