Arestado ang dalawang media personality sa isinagawang entrapment operation ng mga awtoridad kaugnay ng kasong robbery by extortion sa Barangay Balud Sur, Gubat, Sorsogon nitong June 10, bandang alas-9:15 ng gabi.

Ayon sa Sorsogon Police Provincial Office, matagumpay na naisagawa ang operasyon ng Provincial Intelligence Unit ng Sorsogon PPO sa pakikipagtulungan ng Regional Intelligence Division 5 at Gubat Municipal Police Station. Batay sa paunang imbestigasyon, naaktuhan umano ang mga suspek habang nagsasabwatan sa pangingikil ng pera mula sa isang amusement park operator.

Narekober mula sa mga naaresto ang ilang cellular phones, USB flash drives, marked money na nagkakahalaga ng Php12,000, at iba pang mahahalagang ebidensya na may kaugnayan sa kaso.
Ipinaalam sa mga suspek ang kanilang mga karapatan sa wikang kanilang nauunawaan at isinailalim sa medical at physical examination bago dinala sa kustodiya ng Gubat Municipal Police Station para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
Isasailalim naman sa digital forensic examination ang mga nakumpiskang cellphone bilang bahagi ng mas malalim na imbestigasyon, habang inihahanda na ang kaukulang reklamong kriminal para sa pagsasampa sa Provincial Prosecutor’s Office sa Sorsogon City.
Muling hinikayat ng Sorsogon PPO ang publiko na agad iulat sa mga awtoridad ang anumang uri ng pangingikil at iba pang iligal na gawain upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.
📷 Sorsogon Police Provincial Office