Nagsasagawa na ngayon ng technical investigation ang Department of Information and Communications Technology (DICT) kaugnay sa naiulat na defacement sa opisyal na website ng Senado.
Ang website defacement ay isang uri ng cyberattack kung saan illegal na pinapasok ng mga hacker ang isang website para palitan ang itsura o nilalaman nito.
Ayon sa DICT, agad na nakipag-ugnayan ang National Computer Emergency Response Team o NCERT sa Electronic Data Processing–Management Information System Service ng Senado para mapigilan ang insidente at maibalik ang integridad ng website.

Bilang pag-iingat, pansamantalang isinailalim sa maintenance ang website habang isinasagawa ang security validation at restoration efforts.
Batay naman sa paunang assessment, limitado lamang ang insidente sa pag-deface ng public-facing pages ng website at wala pang indikasyon na nakompromiso ang ano mang sensitibo o confidential na datos.
Gayunman, nagpapatuloy pa rin ang masusing imbestigasyon para matukoy ang ugat ng insidente.
Kasalukuyan ding nagsasagawa ng forensic analysis ang DICT, katuwang ang Senado, Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC, at iba pang law enforcement agencies para matukoy ang mga responsable sa insidente.#