Nakatanggap ng tulong-pinansyal mula sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang mahigit walumpung pamilyang naapektuhan ng sunog sa iba’t-ibang barangay sa Iligan City nitong nagdaang taon.
Sa ilalim ng Integrated Disaster Shelter Assistance Program (IDSAP), tumanggap ng tig-P30,000 ang mga lubos na naapektuhan at tig-P10,000 naman ang mga bahagyang naapektuhan.
Ayon kay City Mayor Frederick Siao, malaking ginhawa ang ayuda para sa mga pamilyang nawalan ng tahanan.Pinasalamatan din niya si DHSUD Sec. Jose Ramon Aliling sa patuloy na suporta ng kagawaran sa lungsod, kabilang ang paglalaan ng 200 transitional houses para sa mga residenteng maaapektuhan ng sunog, kalamidad at demolisyon.
Sinabi naman ni Siao na makatutulong ang mga pansamantalang pabahay upang magkaroon ng disenteng matutuluyan ang mga pamilyang nawalan ng bahay habang nagsisimula silang makabangon mula sa kanilang pinagdaanang pagsubok.
Dagdag pa ng alkalde, nakikipag-ugnayan na rin ang lokal na pamahalaan sa Pag-IBIG Fund upang mapabilis ang pagpapatupad ng mga programang pabahay para sa mga Iliganon.
📷 City Mayor Frederick Siao


