Patuloy na pinalalakas ng pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan sa pamamagitan ng pagdaragdag ng 15 bagong ambulansya para sa iba’t-ibang pagamutan sa lalawigan.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon, ang mga ambulansya ay pinondohan mula sa savings ng Special Health Fund upang mapabilis ang pagresponde sa mga emergency at mapalawak ang access ng mga Sorsoganon sa de-kalidad na serbisyong medikal.
Ipamamahagi ang mga bagong sasakyan sa Donsol District Hospital, Castilla District Hospital, Gubat District Hospital, Irosin District Hospital, Prieto Diaz Medicare Hospital, Magallanes Medicare Hospital, Matnog Medicare Hospital, Bulan Medicare Hospital, at Sorsogon Provincial Hospital.
Inaasahang makatutulong ang mga karagdagang ambulansya sa mas mabilis na pagdadala ng mga pasyente sa mga pagamutan at pagpapalakas ng kakayahan ng mga ospital sa pagtugon sa mga agarang pangangailangang pangkalusugan.
Patunay aniya ito ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan na gawing mas mabilis at mas abot-kamay ang serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Sorsoganon.
📷 KapitoLink (Sorsogon PIO)



