Sinimulan na ng House Committee on Information and Communications Technology (ICT) ang konsolidasyon ng humigit-kumulang 30 panukalang batas para sa pagbuo ng substitute bill ng panukalang Digital Budget o Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Bill.
Ayon kay Camarines Sur Rep. Migz Villafuerte, layunin ng CADENA Act na isulong ang paggamit ng blockchain technology upang mas mapalakas ang pagbabantay sa paggasta ng pamahalaan at makatulong sa paglaban sa korupsiyon.
Sinabi ni Villafuerte na pinabibilis na ng ICT Committee ang konsolidasyon ng mga magkakatulad na panukalang batas, na naglalayong palawakin ang partisipasyon ng publiko sa proseso ng pambansang pagbabadyet.
Ang CADENA Bill ay kabilang sa mga prayoridad na panukala ng Legislative-Executive Development Advisory Council.
Naipasa na rin ng Senado ang bersyon nito noong December 2025, na nagbigay-daan upang mapabilis ang pagtalakay sa panukala sa Kamara.
Layunin ng panukalang batas na gawing mas transparent, accountable, at madaling ma-access ng publiko ang impormasyon hinggil sa paggamit ng pondo ng pamahalaan.#