Nakatutok na ang Office of Civil Defense Region XI sa tatlo pang Barangay sa Jose Abad Santos na hanggang sa ngayon ay isolated pa rin at hindi pa nadadalhan ng tulong dahil sa magnitude 7.8 na lindol.
Sa panayam ng programang BOSES kay OCD Region XI Director Ednar Dayanghirang, sinabi nitong kasado na ngayong araw ang aerial at naval delivery ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng tubig, pagkain at iba pang non-food essentials sa mga komunidad na nasa bulubundukin ng Jose Abad Santos.
Pagdating naman sa iba pang bahagi ng Region XI partikular sa Sarangani at Davao Occidental ay pumasok na ang mga ito sa augmentation phase ng pag-responde, kung saan inaasikaso na ang pagpapadala ng mga tent at modular homes na mula sa National government, na nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang mabigyan ng disenteng tahanan ang mga naapektuhang residente.