Naglaan ang Pag-IBIG Fund ng isang buwang payment moratorium para sa mga housing loan borrower na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao. Kasabay nito, pinaalalahanan din ng ahensya ang mga miyembro na maaari silang maghain ng insurance claim kung nasira ang kanilang bahay dahil sa kalamidad.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary at Pag-IBIG Fund Board Chairperson Jose Ramon Aliling, layunin ng programa na mabigyan ng agarang tulong ang mga pamilyang nagsisikap makabangon mula sa epekto ng malakas na lindol.
Sinabi ni Aliling na alinsunod ito sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensya ng gobyerno na kumilos nang mabilis at may malasakit para sa mga mamamayang naapektuhan ng sakuna.
Sa ilalim ng payment moratorium, maaaring pansamantalang hindi muna magbayad ng housing loan ang mga kwalipikadong borrower sa loob ng isang buwan. Wala ring karagdagang interes o multa sa panahon ng moratorium, at awtomatikong ie-extend ang loan term batay sa naaprubahang palugit.
Bukod dito, maaari ring maghain ng insurance claim ang mga miyembrong nasira ang bahay dahil sa lindol. Makakatulong ito upang mabayaran ang bahagi ng gastusin sa pagkukumpuni ng kanilang tahanan.
Ayon naman kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta, pinadali ng ahensya ang proseso ng aplikasyon para sa moratorium at insurance claims. Maaaring magsumite ng aplikasyon sa alinmang sangay ng Pag-IBIG Fund o sa pamamagitan ng Virtual Pag-IBIG.
Paliwanag ni Acosta, sa panahon ng kalamidad ay mahalagang mabigyan ng sapat na panahon ang mga pamilya upang unahin ang kanilang kaligtasan at pagbangon. Aniya, layunin ng moratorium na mabawasan kahit pansamantala ang kanilang pinansyal na alalahanin.
Ang programa ay para sa mga housing loan borrower at installment sale buyer na ang tirahan, negosyo, o lugar ng trabaho ay nasa mga lugar na idineklara sa ilalim ng state of calamity dahil sa lindol sa Mindanao.
Bukod sa moratorium at insurance assistance, nag-aalok din ang Pag-IBIG Fund ng Calamity Loan at Home Improvement Loan para sa mga nangangailangan ng karagdagang tulong pinansyal.
Sa ilalim ng Calamity Loan, maaaring makahiram ang kwalipikadong miyembro ng hanggang 90% ng kanilang kabuuang Pag-IBIG Regular Savings na may mababang interes na 5.95% kada taon at may tatlong buwang grace period bago magsimula ang pagbabayad.
Samantala, sa Home Improvement Loan, maaaring makahiram ng hanggang ₱300,000 para sa pagkukumpuni o pagpapaganda ng bahay. May promo ring 3% na interes kada taon para sa unang 10,000 borrower.
Tiniyak ng Pag-IBIG Fund na patuloy na magagamit ng mga miyembro ang kanilang mga serbisyo sa pamamagitan ng online platforms, mga bukas na sangay, at Lingkod Pag-IBIG on Wheels upang mas mapalapit ang serbisyo sa mga lugar na naapektuhan ng sakuna.
Binigyang-diin ni Acosta na mananatiling katuwang ng ahensya ang mga miyembro habang sila ay bumabangon mula sa pinsalang dulot ng lindol at iba pang kalamidad.