Hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibayong dagat ay ipinagdiriwang ng mga Pilipino ang Araw ng Kalayaan.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Professor Louie Montemar, Sociologist at Associate Professor ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), sinabi nito na malalim ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa tinatamasa nating kalayaan, lalo na ang mga Overseas Filipino Worker (OFWs) at Filipino diaspora, na talagang nagkakaroon pa ng mga salo-salo upang ipagdiwang ang araw ng ating kasarinlan.
Ani Prof. Montemar, dito naman sa Pilipinas, ginugunita ito sa pamamagitan ng iba’t ibang programa sa mga paaralan, mga ahensya ng pamahalaan, at iba pang institusyon bilang pag-alala sa mga bayaning nag-alay ng kanilang buhay para sa bayan.
Samantala, sa personal na pananaw ni Prof. Montemar, kinakailangan pa aniyang pagtibayin ang pundasyon ng ating bansa upang mapanatili at maprotektahan ang ating kalayaan laban sa mga panloob at panlabas na banta sa seguridad.
Dagdag ni Montemar, mayroong ibang mga indibidwal na nagpapakita ng pagmamahal sa ating inang bayan sa pamamagitan nang pagbuo ng mga organisasyon tulad ng Non-Government Organization upang direktang makatulong sa mga mamamayan nang hindi na dumaraan sa pamahalaan.
“Sa akin po, ang kalayaan ay may dalawang mukha: kalayaan mula sa intervention ng mga ibang bansa at kalayaan upang pamunuan ang ating sarili,” ani Montemar.
Dagdag pa nito: “Marami pa tayong pagkukulang at kailangan nating pagtibayin pa nang husto ang pundasyon ng ating bansa.
I can say that my generation has done a lot to maintain that freedom and protect that freedom and I’m proud of that and my proof of that is the fact that in the country we have more than 60,000 Organization including NGOs. Ang mga NGOs po lumubo ang mga bilang nila noong 1980s to 1990s ‘yan ang mga produkto ng isang henerasyon na may pagmamahal sa bayan.”