Nanawagan si House Committee on Good Government and Public Accountability Chair at Manila Rep. Joel R. Chua sa Ateneo de Manila University, na ilagay sa preventive suspension si Coach Tab Baldwin at mga miyembro ng coaching at training staff na sangkot sa team-building activity sa Baler.
Ito ay habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng pagkamatay ng mga student-athlete na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.
Pinasalamatan ni Chua si NBI Director Melvin Matibag at ang NBI sa pagtugon sa panawagan para sa isang masusing forensic investigation sa trahedyang ikinasawi ng dalawang estudyanteng atleta.
Binigyang-diin ng mambabatas, na bagamat inilalarawan ang insidente bilang isang aksidente, hindi ito nangangahulugang walang dapat managot.
Ayon kay Chua, nararapat lamang na pansamantalang suspendihin sina Baldwin at ang coaching staff hindi bilang paghatol sa kanilang pagkakasala, kung hindi bilang hakbang upang mapanatili ang integridad ng imbestigasyon.
Hinimok din ni Chua ang pamunuan ng Ateneo, na ituon ang buong atensyon at mga kinakailangang resources nito sa pagsuporta sa imbestigasyon at pagtulong sa mga pamilya ng mga nasawi.
Diin niya, na mas mahalaga ang hustisya at pananagutan kaysa sa basketball o kampeonato.#