Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tugunan ang kakulangan sa suplay ng kuryente at palakasin ang seguridad sa enerhiya sa bansa, pinagana ng Department of Energy (DOE) at National Power Corporation (NPC) ang isang 5-megawatt (MW) generator set sa Catanduanes. Inaasahang magbibigay ito ng karagdagang kapasidad upang mabawasan ang mga rotational brownout at mapabuti ang kalidad ng kuryente sa lalawigan.
Personal na pinangunahan nina DOE Secretary Sharon S. Garin at NPC President at CEO Jericho Jonas B. Nograles ang seremonyal na switch-on ng mga generator set sa NPC Marinawa Compound noong Hunyo 11, 2026. Kasama rin sa aktibidad si DOE Undersecretary Mario C. Marasigan at iba pang lokal na opisyal.
Ang pag-activate sa mga pasilidad na ito ay bahagi ng mabilisang tugon ng pamahalaan sa matagal nang suliranin sa kuryente sa Catanduanes. Madalas makaranas ang lalawigan ng kakulangan sa suplay dulot ng limitasyon sa henerasyon at pagkaantala ng mga planong dagdag-kapasidad, na nagreresulta sa mga rotational brownout na pumipinsala sa mga tahanan, negosyo, at mahahalagang serbisyo.
Habang tinatapos ang iba pang mga interbensyon sa kuryente, ang bagong bukas na 5-MW pasilidad ay maghahatid muna ng agarang ayuda. Bukod dito, sasamahan din ito ng mga generator set mula sa Isla Dagyab Energy Corporation sa ilalim ng Emergency Power Supply Agreement 2 (EPSA 2), na ipinagkaloob ng First Catanduanes Electric Cooperative, Inc. (FICELCO) noong Mayo 29, 2026. Sa oras na maging ganap ang operasyon ng mga EPSA 2 unit, magdadala pa ito ng karagdagang 8 MW na lakas ng kuryente sa lalawigan. Kasalukuyan nang isinasagawa ang testing at commissioning sa mga ito na target matapos sa Hunyo 14, 2026, habang ang buong commercial operations ay inaasahan sa Hunyo 15, 2026.
“Ang pag-activate ng karagdagang 5MW NPC generator sets ay isang malaking hakbang tungo sa pagpapabuti ng pagiging maaasahan ng kuryente sa Catanduanes at pagbibigay ng agarang ginhawa sa mga mamimili na apektado ng pabalik-balik na pagkaputol ng kuryente,” pahayag ni Kalihim Garin.
Ayon pa sa kalihim, ang mga hakbang na ito, kasama ang dagdag na kapasidad mula sa EPSA 2, ay nagpapakita ng pangako ng pambansang pamahalaan na tugunan ang pangangailangan sa enerhiya ng Catanduanes upang matiyak na ang mga residente, negosyo, paaralan, ospital, at iba pang mahahalagang institusyon ay makatatanggap ng mas matatag na serbisyo.
Kinilala rin ni Garin ang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Catanduanes sa pamumuno ni Gobernador Patrick Alain T. Azanza, ng National Electrification Administration (NEA) sa ilalim ni Administrator Antonio Mariano Almeda, ng FICELCO, at ng iba pang mga stakeholder na tumulong upang mapabilis ang paglalagay ng mga emergency generation resources sa probinsya.
Patuloy namang magtutulungan at magbabantay ang DOE, NPC, NEA, FICELCO, at mga lokal na pamahalaan upang masubaybayan ang sistema at maipatupad ang mga hakbang para sa isang matatag at maaasahang suplay ng kuryente para sa mga mamamayan ng Catanduanes.