Photo from PNP Bicol
Mas naging makabuluhan ang pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas para sa mga residente ng Masbate City matapos magsagawa ng community outreach program ang Masbate Police Provincial Office (PPO), ngayong araw, June 12, 2026 sa Rizal Park.
Layunin ng aktibidad na isabuhay ang diwa ng kalayaan sa pamamagitan ng pagkakaisa, malasakit, at paglilingkod sa komunidad.
Kabilang sa mga isinagawang gawain ang Kantahan sa Park, feeding activity, libreng gupit, pamamahagi ng informational fliers, at Health Corner kung saan nagbigay ng libreng health monitoring ang mga police nurse ng PRO 5.
Tinatayang nasa 120 residente ang nakinabang sa iba’t ibang serbisyong inihatid sa naturang programa.
Ayon sa PRO 5, ang inisyatiba ay bahagi ng pagsusulong ng PNP Focused Agenda at pagpapatibay ng ugnayan sa komunidad.
Ipinakita rin nito na ang tunay na kalayaan ay hindi lamang ginugunita sa mga seremonya kung hindi naipapamalas sa pamamagitan ng konkretong serbisyo, pagtutulungan, at malasakit para sa kapwa.