Photo courtesy of DENR Ilocos
Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan ng bansa, matagumpay na nagtanim ng 1,000 binhi ng puno ng Narra ang mga kawani ng kalikasan sa mga kabundukan ng Barangay Caoayan sa Sual, Pangasinan ngayong araw, June 12, 2026.
Ang malawakang tree-planting activity ay pinangunahan ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) – Western Pangasinan sa ilalim ni OIC, CENR Officer Analyn Viray, at sa gabay ni OIC, Provincial Environment and Natural Resources (PENR) Officer Dr. Chester Casil.

Ayon sa pamunuan, ang hakbang na ito ay sumasalamin sa patuloy na komitment ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa konserbasyon ng kalikasan at reforestation. Layunin din nitong bigyang-pugay ang legacy ng mga bayani ng bansa sa pamamagitan ng pag-aalaga at pagprotekta sa lupang kanilang ipinaglaban.
Naisakatuparan ang aktibidad sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t ibang sektor at partner stakeholders na kinabibilangan ng Sual Power Incorporated, Lokal na Pamahalaan (LGU) ng Sual, Pamahalaang Barangay ng Caoayan at Mga SIFMA (Sustainable Industrial Forest Management Agreement) holders na sina Orlando Abarra at Rolando Aglibot.
Sa pamamagitan ng kolektibong pagsisikap na ito, muling pinagtibay ng mga kalahok na ahensya at pribadong sektor ang kanilang iisang mithiin para sa environmental stewardship—ang pangalagaan ang likas na yaman para sa kasalukuyang henerasyon habang nagtatanim ng binhi ng pag-asa para sa hinaharap. | ulat ni Leslie Gemino | RP Tayug