Inilunsad ng Philippine National Police (PNP), katuwang ang National Anti-Poverty Commission (NAPC) at iba pang ahensya ng pamahalaan, ang Project INVINCIBLE.
Ang proyekto ay bahagi ng reintegration program para sa mga dating rebelde sa Pamplona, Cagayan.
Kabuuang 193 dating rebelde, na ngayon ay kinikilalang peace advocates, ang tumanggap ng tig-PHP 10,000 na pinansyal na tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), gayundin ng mga binhi mula sa Department of Agriculture (DA) para sa kanilang kabuhayan.
Ayon kay PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil, layunin ng Project INVINCIBLE na palakasin ang pagbabalik sa lipunan ng mga dating rebelde sa pamamagitan ng magkakaugnay na serbisyo at suporta mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Binigyang-diin ni Marbil na mahalagang mabigyan ng bagong pagkakataon ang mga dating rebelde upang maging katuwang sa pag-unlad at pagpapanatili ng kapayapaan sa kanilang mga komunidad. Aniya, mas napagtitibay ang kapayapaan kapag nagkakaisa ang pamahalaan at mamamayan sa pagtulong sa mga nais magbagong-buhay at makapagsimula muli.