Magsasagawa ng scheduled maintenance shutdown mula Hunyo 15 hanggang Hulyo 15 ang Malampaya Deep Water Gas-to-Power Project, batay sa anunsyo ng Department of Energy (DOE).
Layunin ng nasabing regular na aktibidad na matiyak ang ligtas at maayos na operasyon ng Shallow Water Platform at Onshore Gas Plant, at maiwasan ang mga insidenteng makaaapekto sa tuluy-tuloy na suplay ng natural gas sa mga power plant customer.
Kasunod nito, inabisuhan ang lahat ng power plants na gumamit ng alternatibong fuel resources dahil pansamantala munang mahihinto ang suplay ng natural gas mula sa Malampaya. Samantala, isasabay rin sa scheduled maintenance ang “tie-in” ng Malampaya East-1R1 (MAE-1R1) at Camago-3S3 (CA-3S3), na inaasahang magpapalakas ng lokal na suplay ng natural gas at magpapahaba sa itatagal ng operasyon ng nasabing proyekto.