Mayroon nang persons of interest ang Philippine National Police (PNP) sa pamamaslang kay Police Major Razul Guimbangan Pandulo, ang Chief of Police ng Bubong Municipal Police Station sa Lanao del Sur.
Si Pandulo ay binaril sa kanyang tinutuluyan sa Kidapawan City, Cotabato noong November 23.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Brigadier General Allen Rae Co, apat na lalaki ang nakuhaan ng CCTV na posibleng sangkot sa krimen. Kabilang ang isa na mismong bumaril sa biktima habang tatlo naman ang nagsilbing lookout at support.
Tinawag ni Co na “katrayduran” ang krimen, dahil pinasok at pinagbabaril ang opisyal habang natutulog. Planado aniya ang pag-atake, dahil alam ng mga suspek kung saan nakatira ang biktima at may mga lookout pa sila.
Sinisilip na ng PNP kung may kinalaman sa trabaho ni Pandulo ang pamamaslang.
Sa ngayon, bumuo na ng Special Investigation Task Group ang Police Regional Office 12 para tutukan ang imbestigasyon at ang pagtugis sa mga suspek.