Nananatili sa Alert Level 1 ang Bulkang Bulusan sa Sorsogon matapos maitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang patuloy na bahagyang mataas na aktibidad ng bulkan sa loob ng nakalipas na 24 oras hanggang Hunyo 14, 2026.
Batay sa inilabas na bulletin ng ahensya, nakapagtala ang PHIVOLCS ng 248 volcanic earthquakes, na indikasyon ng patuloy na paggalaw ng magma at iba pang prosesong bulkaniko sa ilalim ng Bulusan. Naitala rin ang sulfur dioxide (SO₂) flux na 52 tonelada kada araw noong Hunyo 11, 2026.
Samantala, isang usok o plume na may taas na 100 metro ang namataan mula sa bunganga ng bulkan. Ayon din sa monitoring, nananatiling may panandaliang pamamaga o ground deformation ang bulkan, na maaaring senyales ng paggalaw ng mga materyal sa loob nito.
Dahil dito, ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa loob ng 4-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at ang hindi maingat na pagpasok sa 2-kilometrong Extended Danger Zone (EDZ) sa timog-silangang bahagi ng bulkan. Pinapayuhan din ang mga piloto na iwasang lumipad malapit sa tuktok ng Bulusan.
Nagbabala ang PHIVOLCS na bagama’t nasa mababang antas ng alerto ang bulkan, posible pa ring magkaroon ng biglaang steam-driven o phreatic eruptions na maaaring magdulot ng panganib sa mga komunidad na malapit sa bulkan.
Patuloy na minomonitor ng mga awtoridad ang kalagayan ng Bulkang Bulusan upang matiyak ang kaligtasan ng publiko. | ulat ni Garry Carl Carillo