Umabot na sa 160 araw ang pananatili ng Bulkang Mayon sa Alert Level 3 ngayong Hunyo 14, 2026, habang nagpapatuloy ang mataas na antas ng aktibidad nito, ayon sa pinakahuling bulletin ng DOST-PHIVOLCS.
Sa nakalipas na 24 oras, naitala ang tuloy-tuloy na pagdaloy ng lava sa mga daluyan ng Basud, Bonga, at Mi-isi gullies, kasabay ng mahina hanggang katamtamang Strombolian activity o pasumpong-sumpong na pagbuga ng lava mula sa bunganga ng bulkan.
Nakapagtala rin ang monitoring network ng 17 volcanic earthquakes, kabilang ang 14 volcanic tremors na tumagal nang anim hanggang 35 minuto. Bukod dito, naobserbahan ang 339 rockfall events at limang pyroclastic density current (PDC) o uson signals, mga palatandaang nagpapatuloy ang paggalaw ng magma sa loob ng bulkan.
Patuloy ding nakikita ang crater glow o mapulang ningning sa bunganga ng Mayon, habang umabot sa 1,594 tonelada kada araw ang sulfur dioxide emission na naitala noong Hunyo 13. Samantala, umabot sa taas na 750 metro ang makapal na plume bago ito tangayin ng hangin patungong kanluran-hilagang-kanluran at hilagang-kanluran.
Ayon sa PHIVOLCS, nananatili ang pamamaga o ground deformation sa hilagang-silangang bahagi ng bulkan, indikasyon ng patuloy na pag-ipon ng magma sa ilalim nito. Dahil dito, muling pinaalalahanan ng ahensya ang publiko na mahigpit na iwasan ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ). Pinag-iingat din ang mga komunidad laban sa posibleng pagguho ng bato, pagdaloy ng lava, uson, at lahar, lalo na kung magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Bagama’t wala pang indikasyon ng isang malakas at agarang pagsabog, sinabi ng PHIVOLCS na ang Alert Level 3 ay nangangahulugang nananatiling mataas ang posibilidad ng mga mapanganib na aktibidad ng bulkan at kinakailangan ang patuloy na mahigpit na pagbabantay. | ulat ni Garry Carl Carillo