Sa pagsisimula ng anim na buwang Philippine Pilgrimage 2026, dumating na sa Manila Cathedral sa Intramuros ang replica image ng Our Lady of Guadalupe, na mananatili roon hanggang Hunyo 18 para sa pampublikong debosyon at pagdarasal ng mga mananampalataya.
Ayon kay CBCP President Archbishop Gilbert Garcera, tatagal hanggang Disyembre 12 ang pilgrimage at dadalaw sa mahigit 40 katedral, dambana, at parokya sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Layunin nito na higit na mapalapit ang mga Pilipino kay Hesukristo at sa Mahal na Birheng Maria.
Pinangunahan naman ni Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula ang opening Mass noong Sabado, Hunyo 13, habang bukas ang imahe para sa veneration mula 7:00 AM hanggang 6:00 PM.
Bago ito, personal na sinalubong nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos ang Pilgrim Image sa Malacañang bilang hudyat ng pambansang paglalakbay at paghahanda para sa ika-500 anibersaryo ng aparisyon ng Our Lady of Guadalupe kay St. Juan Diego noong 1531.
Magtatapos ang pilgrimage sa permanenteng paglalagay ng imahe sa Manila Cathedral bilang simbolo ng pananampalataya, pag-asa, at espirituwal na pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.
📸 The Manila Cathedral