Pormal nang binuksan ang Agri-Trade Fair 2026 ng Bayan ng Maslog sa pamamagitan ng isinagawang ribbon-cutting ceremony bilang isa sa mga tampok na aktibidad sa pagdiriwang ng ika-61 Founding Anniversary ng munisipalidad.
Pinangunahan ni Mayor Septemio C. Santiago ang pagbubukas ng nasabing programa kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga department head, empleyado ng lokal na pamahalaan, at mga kinatawan mula sa 12 barangay ng bayan.
Ipinamalas ng bawat barangay ang kanilang mayayamang produktong pang-agrikultura at masaganang ani sa pamamagitan ng iba’t ibang eksibit at patimpalak na tampok sa aktibidad.
Isa sa mga pangunahing atraksyon ng programa ang Maslog Harvest Showcase 2026: Search for the Longest, Largest, and Best Fruits, Vegetables, and Root Crops, kung saan nagkaroon ng paligsahan para sa pinakamahaba at pinakamalalaking gulay, prutas, at root crops.
Kabilang sa mga kategorya ang paghahanap ng pinakamahabang sitaw, talong, patola, upo at ampalaya; pinakamalalaking pinya, langka, bayabas at pakwan; gayundin ang pinakamalalaking kamote, kalabasa, gaway, gabi, cassava at mais.
Nagkaroon din ng patimpalak para sa Best Display of Varieties of Fruits, Vegetables, and Root Crops, bilang pagkilala sa kasipagan at pagkamalikhain ng mga kalahok na barangay.
Ayon sa pamahalaang lokal, ang Agri-Trade Fair ay patunay sa sipag at dedikasyon ng mga magsasaka ng Maslog at nagsisilbing paraan upang maitaguyod ang mga lokal na produkto at mapalakas ang partisipasyon ng komunidad sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura.
📸 LGU-Maslog, E. Samar



