Sinibak na sa pwesto ang personnel ng National Police Commission (NAPOLCOM) na inaresto matapos umanong manakot at bumunot ng baril sa isang motorista na nakaalitan niya sa kalsada.
Inanunsyo ito ni NAPOLCOM Chief Commissioner Rafael Calinisan sa isinagawang press briefing kung saan iniharap din ang suspek na si Jaime Flores, Police Inspector III ng NAPOLCOM Inspection, Monitoring and Investigation Service (IMIS).
Emosyonal namang humingi ng kapatawaran si Flores sa motorista, sa kanyang pamilya, at sa buong NAPOLCOM. Ayon sa kanya, ikinahihiya niya ang nangyari dahil hinayaan niyang manaig ang emosyon sa halip na magpakita ng pagpipigil, lalo na bilang isang kawani ng gobyerno.
Kaugnay nito, inisyuhan na siya ng show cause order at agad ding ni-revoke ang kanyang issued firearm. Iniutos din ni Commissioner Calinisan ang surprise drug testing sa lahat ng miyembro ng IMIS.
Nahaharap ang suspek sa kasong grave threat, habang may hiwalay din itong kinakaharap na administrative charge sa loob ng NAPOLCOM.
Ayon kay Commissioner Calinisan, lubhang nakakalugmok at nakakahiya ang ginawa ng opisyal, ngunit tiniyak niyang hindi ito repleksyon ng buong organisasyon ng NAPOLCOM.
Binigyang-diin niya na hindi maaaring palampasin ang ganitong insidente.
Kasunod nito, binigyan naman ng commendation ang mga pulis na umaresto kay Flores dahil sa maayos nilang pag-aksyon sa insidente.