Sa loob lamang ng halos tatlong buwan mula nang bumisita at mangako sa mga residente ng Barangay Bangan Oda at San Juan sa Agno, Pangasinan, natupad ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang pangakong maipagawa ang isang pansamantalang tulay sa lugar.
Ang Temporary Steel Bridge ay may habang 88 linear meters at lapad na 1.4 meters. Pinondohan ito ng aabot sa sampung milyong piso mula sa Quick Response Fund ng kagawaran at itinayo sa loob lamang ng 45 araw.
Ayon kay Secretary Dizon, mahalagang mabigyang-pansin hindi lamang ang malalaking proyektong pang-imprastraktura kundi maging ang mga proyektong direktang nakatutulong sa mga komunidad.
Ibinahagi rin ng kalihim na naipaabot kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kalagayan ng mga residente, dahilan upang magbigay ang Pangulo ng direktiba para mapabilis ang pagpapatupad ng proyekto.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Rowena Neypes, isang residente ng Barangay San Juan, dahil sa tulay na magbibigay ng mas ligtas na pagdaan para sa kanilang pamilya. Bago maitayo ang steel bridge, isang tulay na gawa sa kawayan ang pansamantalang ginagamit ng mga residente, na aniya ay hindi ligtas lalo na para sa mga batang tumatawid araw-araw.
Bilang pagkilala sa naging ambag ng komunidad, ibinalik ni Secretary Dizon ang ginastos ng barangay at mga residente sa pagtatayo ng kawayang tulay. Ipinapakita aniya ng mabilis at epektibong pagkakakompleto ng tulay na kanyang makalikha ng proyekto sa episyente at matibay na pamamaraan.
Samantala, inaasahan pa ang pagtatayo ng isang konkretong tulay sa lugar. Kapag natapos ito, makakadaan na rin ang mas malalaking sasakyan, na ayon kay Secretary Dizon ay magbubukas ng mas maraming oportunidad sa kalakalan at kabuhayan para sa mga residente.



