Nasabat ang higit sa ₱1.14 million halaga ng mga puslit na sigarilyo at nalambat din ang isang suspek sa ikinasang anti-smuggling operation ng mga awtoridad sa bayan ng Malangas, Zamboanga Sibugay.
Ang operasyon, na isinagawa sa Purok Bagong Silang, Barangay Looc Tuburan ng nabanggit na bayan, ay isinakatuparan sa pamamagitan ng pinag-ugnay na intelligence efforts na pinangunahan ng Malangas Municipal Police Station (Malangas MPS) sa ilalim ng pangangasiwa ng Zamboanga Sibugay Police Provincial Office (ZSBPPO), na pinamumunuan ni Provincial Director Police Col. Barnard Danie Dasugo.
Ang matagumpay na operasyon ay magkatuwang na isinagawa ng mga tauhan mula sa Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Zamboanga Sibugay PNP, Regional Intelligence Unit-9 (RIU-9), 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC), 903rd Regional Mobile Force Battalion-9 (RMFB-9), at ng Bureau of Customs–Zamboanga Peninsula o BOC-ZamPen.
Inaresto rin ng mga awtoridad ang isang suspek bunsod ng pagkumpiska ng malaking bulto ng mga puslit na sigarilyo na dinala sa lalawigan.
Ang mga nasamsam na 20 master cases o kahon ng iba’t ibang tatak ng sigarilyo ay kabilang ang limang kahon ng Stone Menthol cigarettes, anim na kahon ng U2 Full Flavour Taste Guard cigarettes, limang kahon ng Capital Menthol cigarettes, dalawang kahon ng U2 Classic cigarettes, at dalawang kahon ng YS Menthol Plus cigarettes.
Natagpuan din sa lugar ang isang kulay-kahel na pump boat na walang makina, na pinaniniwalaang ginamit sa pagdadala ng mga kontrabando — na tinatayang nagkakahalaga ng ₱50,000.
Ang mga nakumpiskang sigarilyo at pump boat ay nasa poder na ngayon ng BOC-ZamPen para sa tamang disposisyon, at pagsasampa ng mga kaululang kaso.
📸 PIO, Zamboanga Sibugay Police Provincial Office

