Welcome sa Department of Agriculture (DA) ang inaasahang muling pagbubukas ng Strait of Hormuz matapos ang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., malaking tulong ito para mapababa ang gastos sa produksyon at transportasyon ng agri products, lalo na ngayong naghahanda ang bansa para sa bagong planting season.
Sa tulong aniya nito, mababawasan ang isa sa mga hamon sa sektor ng agrikultura at mas makakapagtuon ang pamahalaan sa paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño.
Dagdag pa ng kalihim, makatutulong din ang muling pagbubukas ng Strait of Hormuz sa kalakalan ng Pilipinas sa Middle East na isa sa mahalagang export destination ng mga produktong gaya ng sariwang pinya, Cavendish banana, canned tuna, sardinas, niyog, at iba pang processed food.
Ayon sa DA, ang muling pagbubukas ng naturang ruta ay hindi lamang magpapagaan sa gastos ng mga magsasaka kundi makatutulong din sa pagpapatatag ng food security sa bansa.