Hinamon ni House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na patunayan sa pamamagitan ng ebidensya ang kanyang pahayag na 90 porsiyento ng mga mambabatas ay korap.
Sa isang press briefing sa Kamara, sinabi ni Adiong na hindi makatarungan at iresponsable ang naturang akusasyon laban sa buong institusyon ng Kongreso.
Binigyang-diin din ng kongresista na bagama’t kinikilala nila ang adbokasiya ng alkalde laban sa korapsyon, bilang isang dating imbestigador ay batid nito na ang ganitong mga akusasyon ay dapat may sapat na batayan.
Dagdag pa ng Mindanao solon na welcome sa Kamara ang mga hakbang na naglalayong itaguyod ang pananagutan sa pamahalaan, ngunit iginiit ni Adiong na dapat itong kaakibat ng due process.