Naisumite na ng House prosecutors ang 57-pahinang pre-trial brief sa Senate impeachment court bago ang nakatakdang pre-trial conference.
Nakasaad sa nasabing brief ang mga documentary evidence na inaasahang ihaharap ng prosecution panel sa mismong paglilitis na nakatakda sa Hulyo 6.
Isinumite ni House Secretary General Atty. Cheloy Garafil ang pleading sa ngalan ng 11-kataong prosecution team na pinamumunuan ni House Committee on Justice Chairperson at Batangas Representative Gerville Luistro.
Ayon kay Garafil, 29 na kopya ng brief ang kanilang isinumite, sapat para sa 24 senator-judges na bubuo ng impeachment court.
Kasama rin sa mga isinumite ang entries of appearance ng 10 pribadong abogado na tutulong sa House prosecutors sa pagdinig ng kaso.
Hindi na idinetalye ni Garafil ang nilalaman ng pre-trial brief, gayundin ang listahan ng mga testigong ihaharap ng prosecution team sa paglilitis.